Nananatiling palasak sa masa ang mga palabas na animé hindi lamang dahil sa kasiningan ng paglikha nito, ngunit pati na rin sa mga kuwento nitong nakasasabik subaybayan. Ngunit, lingid sa kaalaman ng nakararami, malaking impluwensiya rin ang mga palabas na ito sa patuloy na paglalaganap sa lipunang Pilipino ng susosentrismo o ang malabis na pagpapahalaga ng mga tao sa suso. Ilan lamang ang sumsunod sa mga palabas na nagpapatunay nito.
1.
Dibdib muna bago mukha
Wala pang isang minuto sa unang episodyo ng palabas na
School Days, itinutok kaagad ang kamera sa dibdib ng babaeng bidang si Kotonoha Katsura. Ito kasi ang unang napansin ng lalaking bidang si Makoto Ito nang magkabanggaan sila sa sakayan ng tren. Bagaman ito ang unang pagtatagpo nila, nahulog agad ang loob ng lalaki sa babae - pati sa dibdib nito.
2.
Pakakasal sa dibdib
Maraming manliligaw si Naeka Fujiwara, ang babaeng bida sa palabas na
Kamen no Maid Guy. Isa si Hendrick Strawberryfield sa mga lalaking nagtangkang makuha ang kamay ni Naeka. Mayamang may pihasyon sa dibdib ng kababaihan, iminumungkahing lantaran ni Hendrick ang kagustuhan niyang makasal kay Naeka dahil sa dibdib nitong higit na kapansin-pansin para sa edad na labinwalong taon.
3.
Napunta sa dibdib ang sustansiya
Sapagkat mahina si Naeka sa matematika, at muli na naman itong bumagsak sa huling pagsusulit, pinagdidiskitahan ng mga kaibigan niya ang dibdib niyang malusog bilang sanhi ng pagkawala ng sustansiya sa utak niya. May teorya silang kung ano ang ikinasigla ng dibdib, ganoon naman ang ikinaliit ng utak.
4.
Alang-alang sa ikalalaki ng dibdib
Dahil sa inggit ng kaibigan ni Naeka na si Eiko Izumi, pumayag itong magpaalila sa diyos na si Urashima Taro sa kondisyong palalakihin ng diyos ang patag na dibdib nito. Naging hudyat upang sumailalim sa paraang sukdulan at mababaw ang kagustuhan ni Eiko na makatanggap ng atensiyon mula sa kalalakihan, gaya ng kaibigang si Naeka.
5.
Magbabayad para sa dibdib
Nauubusan naman ng suki ang kainan nina Naeka sapagkat lumipat na ang kalalakihan sa karibal na kainan, kung saan hindi maaaring lumiit sa D-cup ang sukat ng dibdib ng mga tagapagsilbi.
6.
Wala pang dibdib
Sa palabas na
Chu-Bra!!, ikinahihiya naman ng tauhang si Yako Jinguji ang katotohanang siya na lamang sa mataas na paaralan ang hindi pa namumulaklakan ng dibdib. Dahil dito, nahihiya siyang magbihis sa
locker room kasama ang mga kaklase, lalo na kapag napag-uusapan ang pagsusuot ng bra. Naging malaking suliranin para sa kanya ang kapatagan ng dibdib sapagkat malimit siyang pagtawanan ng mga kaklaseng babae. Dahil dito, napilitan siyang ikubli ang di-pagkapanatag sa pamamagitan ng pagsali sa mga palakasan, gaya ng kendo, upang mapansin, kahit papaano, ng mga lalaki.
7.
Atensiyong nalilikom ng malusog na dibdib
Samantala, madalas namang kantiyawan ng mga lalaki ang kaibigan ni Yako na si Haruka Shiraishi dahil sa malaki nitong dibdib. Pabiro pa nila siyang binansagang may pinakamalaking dibdib sa buong eskuwelahan. Madalas tuloy ikahiya ni Shiraishi ang dibdib niya. Minsan na rin itong tinawag na malaswa ng sarili niyang ina noong unang beses na nagsuot si Shiraishi ng bra, sapagkat nakatatanggap ng kakaibang klaseng atensiyon ang kalakihan ng kanyang dibdib.
Sa bandang huli, hindi nag-iiba ang pananaw ng mga tauhan sa mga palabas na animé tungkol sa dibdib: mananatili ang mga itong instrumento ng lipunang patriyarkal. Sa laki ng impluwensiya ng mga palabas na animé, hindi agad-agad iwinawaksi ng mga tumatangkilik dito, lalo na ng kabataan, ang napapanood nila. Marahil, tumatatak pa ito sa kanilang isipan. Sa ganitong paraan, lumalaki ang bawat henerasyon sa paniniwalang tagapagpawi lamang ng nasa ng kalalakihan ang tanging silbi ng dibdib. Sa paglalarawan naman nito sa malalaking dibdib bilang prilihiyebong karapat-dapat biyayaan ng atensiyon, labis din ang pagdayo ng libu-libong kababaihan sa ilalim ng patalim sa hangaring magkaroon din ng kay laki-laking dibdib.
Ikinukubli ng susosentrismong ito ang tunay at marangal na layunin ng suso na tagapagbigay ng gatas sa supling, at ipinapakain ito sa phallosentrismo bilang katotohanang marumi at nakaiiskandalo. Habang hindi natitinag ang kaisipang susosentrismo sa mga patok na patok na animé, mananatili rin ang realidad nito sa milyun-milyong Pilipino na walang sawang tumatangkilik sa mga palabas na ito.