Friday, February 21, 2014

Mga Aspektong Panretorika sa Isyung Vhong Navarro, at Deniece Cornejo at Cedric Lee

Nitong nakaraang buwan, nabulabog ang bansa sa isyu ng pagbubugbog ng grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo sa aktor na si Vhong Navarro. Gamit ang mga aspektong panretorika na paglalarawan, pagsasalaysay, pag-uulat, at pangangatwiran, makikita ang mabisang paghahatid ng dalawang kampo ng magkabilang panig. Pilit na tinutuklas ngayon ng pulisya, media, pati ng taumbayan, partikular ng netizens, ang katotohanan sa di-mamatay-matay na kontrobersiyang ito: sino nga ba ang nagsasabi ng totoo?


Bumuhos ang sari-saring emosyon mula magkabilang kampo. Inilarawan nina Deniece at Vhong ang parehong takot at galit na natamo nila mula sa insidente. Dahil sa organisadong paglalahad ng detalye na nagmula sa punto de bista ng mismong nasasangkot sa kontrobersiya, nagkaroon ang manonood ng pagkakataong masulyapan o maranasan ang puno't dulo ng isyu. Nagkaroon din ang mga manonood ng iba't ibang interpretasyon ng pangyayari base sa paglalarawang subhektibo ng mga sangkot.


Kompleto naman ang mga elementong hango sa maikling kuwento. Nariyan sina Vhong, Deniece, at Cedric bilang mga pangunahing tauhan, ang condominium ni Deniece bilang tagpuan, at ang pagbubugbog ni Cedric kay Vhong bilang tunggalian sa kuwento. Naging sanhi ng pagbubugbog ang pagbisita ni Vhong kay Deniece - bagay na isinalaysay nilang tatlo upang mapatunayan ang iginigiit nilang katotohanan, at upang lubos na maunawaan rin ng taumbayan ang pangyayari.




Agad na nagsigawa ang NBI at ang Department of Justice ng mabilisang aksiyon upang mairesolba ang isyung ito. Naudyok din ang media pati ang netizens na makilahok sa usapan. Kanya-kanya ang mga institusiyon sa pananaliksik at paglikom ng datos na maaaring iulat tungkol sa insidente.

Vhong Navarro. "Hindi ako rapist."
Deniece Cornejo. "Kung may biktima at inosente dito, wala nang iba kundi ako."
Base sa pangangatwiran ng magkabilang grupo, hindi magiging madali ang paglutas sa kasong ito sapagkat nanggaling ang mga patunay mula sa mismong nasasangkot dito. Magkakaiba ang paninindigan nila ukol sa pangyayari. Ayon kay Vhong, "hindi [siya] rapist". Ayon kanila Deniece at Cedric, hinalay ni Vhong si Deniece, at ginawa lamang ni Cedric ang nararapat upang matulungan ang kaibigan. Marami naman sa mga mamamayan ang kumakampi kay Vhong sapagkat, bukod sa mga nalikom na ebidensiya, kilala si Vhong ng nakararami bilang komedyanteng galante. Ngunit hindi nangangahulugang tama agad ang panig Vhong, bagkus lalo pa itong isinisiyasat upang makarating sa katotohanan.

Hinalay nga ba ni Vhong Navarro si Deniece Cornejo? O, si Deniece Cornejo nga ba ang tunay na biktima sa kontrobersiyang ito? Isa sa dalawang panig ang nagsasabi ng totoo; isa ang nagsisinungaling. Sa mabisang paggamit ng mga aspektong panretorika, higit pang naipaliliwanag at naitatatag ang mga pinaninindigan. Sa angkop na aspektong panretorika, naipadadanas sa taumbayan ang karanasan ng tatlong sangkot sa gulo, at gumagapang nang unti-unti ang kontrobersiya sa katotohanan.

Sa kabuuan, masasabing nahikayat nina Vhong, Deniece, at Cedric ang taumbayan hindi lamang sa antas na intelektwal at emosyonal, kundi pati sa paggawa, lalo pa't hanggang ngayon, tuloy pa rin ang paglalarawan, pagsasalaysay, pag-uulat, at paninindigan ng taumbayan tungkol sa isyung ito.

Saturday, February 8, 2014

Susosentrismong "Animé-ted"

Nananatiling palasak sa masa ang mga palabas na animé hindi lamang dahil sa kasiningan ng paglikha nito, ngunit pati na rin sa mga kuwento nitong nakasasabik subaybayan. Ngunit, lingid sa kaalaman ng nakararami, malaking impluwensiya rin ang mga palabas na ito sa patuloy na paglalaganap sa lipunang Pilipino ng susosentrismo o ang malabis na pagpapahalaga ng mga tao sa suso. Ilan lamang ang sumsunod sa mga palabas na nagpapatunay nito.

1. Dibdib muna bago mukha



Wala pang isang minuto sa unang episodyo ng palabas na School Days, itinutok kaagad ang kamera sa dibdib ng babaeng bidang si Kotonoha Katsura. Ito kasi ang unang napansin ng lalaking bidang si Makoto Ito nang magkabanggaan sila sa sakayan ng tren. Bagaman ito ang unang pagtatagpo nila, nahulog agad ang loob ng lalaki sa babae - pati sa dibdib nito.

2. Pakakasal sa dibdib


Maraming manliligaw si Naeka Fujiwara, ang babaeng bida sa palabas na Kamen no Maid Guy. Isa si Hendrick Strawberryfield sa mga lalaking nagtangkang makuha ang kamay ni Naeka. Mayamang may pihasyon sa dibdib ng kababaihan, iminumungkahing lantaran ni Hendrick ang kagustuhan niyang makasal kay Naeka dahil sa dibdib nitong higit na kapansin-pansin para sa edad na labinwalong taon.

3. Napunta sa dibdib ang sustansiya


Sapagkat mahina si Naeka sa matematika, at muli na naman itong bumagsak sa huling pagsusulit, pinagdidiskitahan ng mga kaibigan niya ang dibdib niyang malusog bilang sanhi ng pagkawala ng sustansiya sa utak niya. May teorya silang kung ano ang ikinasigla ng dibdib, ganoon naman ang ikinaliit ng utak.

4. Alang-alang sa ikalalaki ng dibdib

Dahil sa inggit ng kaibigan ni Naeka na si Eiko Izumi, pumayag itong magpaalila sa diyos na si Urashima Taro sa kondisyong palalakihin ng diyos ang patag na dibdib nito. Naging hudyat upang sumailalim sa paraang sukdulan at mababaw ang kagustuhan ni Eiko na makatanggap ng atensiyon mula sa kalalakihan, gaya ng kaibigang si Naeka.

5. Magbabayad para sa dibdib


Nauubusan naman ng suki ang kainan nina Naeka sapagkat lumipat na ang kalalakihan sa karibal na kainan, kung saan hindi maaaring lumiit sa D-cup ang sukat ng dibdib ng mga tagapagsilbi.

6. Wala pang dibdib


Sa palabas na Chu-Bra!!, ikinahihiya naman ng tauhang si Yako Jinguji ang katotohanang siya na lamang sa mataas na paaralan ang hindi pa namumulaklakan ng dibdib. Dahil dito, nahihiya siyang magbihis sa locker room kasama ang mga kaklase, lalo na kapag napag-uusapan ang pagsusuot ng bra. Naging malaking suliranin para sa kanya ang kapatagan ng dibdib sapagkat malimit siyang pagtawanan ng mga kaklaseng babae. Dahil dito, napilitan siyang ikubli ang di-pagkapanatag sa pamamagitan ng pagsali sa mga palakasan, gaya ng kendo, upang mapansin, kahit papaano, ng mga lalaki.

7. Atensiyong nalilikom ng malusog na dibdib


Samantala, madalas namang kantiyawan ng mga lalaki ang kaibigan ni Yako na si Haruka Shiraishi dahil sa malaki nitong dibdib. Pabiro pa nila siyang binansagang may pinakamalaking dibdib sa buong eskuwelahan. Madalas tuloy ikahiya ni Shiraishi ang dibdib niya. Minsan na rin itong tinawag na malaswa ng sarili niyang ina noong unang beses na nagsuot si Shiraishi ng bra, sapagkat nakatatanggap ng kakaibang klaseng atensiyon ang kalakihan ng kanyang dibdib.

Sa bandang huli, hindi nag-iiba ang pananaw ng mga tauhan sa mga palabas na animé tungkol sa dibdib: mananatili ang mga itong instrumento ng lipunang patriyarkal. Sa laki ng impluwensiya ng mga palabas na animé, hindi agad-agad iwinawaksi ng mga tumatangkilik dito, lalo na ng kabataan, ang napapanood nila. Marahil, tumatatak pa ito sa kanilang isipan. Sa ganitong paraan, lumalaki ang bawat henerasyon sa paniniwalang tagapagpawi lamang ng nasa ng kalalakihan ang tanging silbi ng dibdib. Sa paglalarawan naman nito sa malalaking dibdib bilang prilihiyebong karapat-dapat biyayaan ng atensiyon, labis din ang pagdayo ng libu-libong kababaihan sa ilalim ng patalim sa hangaring magkaroon din ng kay laki-laking dibdib.

Ikinukubli ng susosentrismong ito ang tunay at marangal na layunin ng suso na tagapagbigay ng gatas sa supling, at ipinapakain ito sa phallosentrismo bilang katotohanang marumi at nakaiiskandalo. Habang hindi natitinag ang kaisipang susosentrismo sa mga patok na patok na animé, mananatili rin ang realidad nito sa milyun-milyong Pilipino na walang sawang tumatangkilik sa mga palabas na ito.

Saturday, November 23, 2013

Kung Kailan Nagkakabisa ang Kapangyarihan ng Wikang Ingles ayon kay Bobbie Salazar

Ilan lamang ang sumusunod sa mga sitwasyon na nagpapatunay na sadyang mabisa ang pananalita sa wikang Ingles, lalo pa at ito ay ginagamit upang iparamdam ang posisyon sa lipunan. Nadiskubre ko ang ganitong katangian sa tauhan ni Bobbie Salazar (na ginampanan ni Bea Alonzo sa pelikulang Four Sisters and a Wedding), na limang taon ding tumira sa New York upang magtrabaho at kumuha ng Masters Degree sa Columbia bago bumalik sa Pilipinas. Ito ang nasiyasat ko.


1. Paglalahad ng opinyon

Ginagamit ang wikang Ingles sa pagpapahahayag ng opinyon sapagkat, sa rasong hindi maintindihan, mayroon itong mga salig na nagpapahiwatig ng kapormalan at katalinuhan. Bakit pa ba sinang-ayunan nina Alex, Teddie, at Gabby ang kapatid na si Bobbie sa bawat "That's a lame idea" na ipinatong niya sa kanilang mga pakanang tigilin ang kasal nina CJ at Princess? Bukod pa doon, bakit pa nila kinuha ang kaisa-isang suhestiyon ni Bobbie bilang batayan ng kanilang mga balak bagaman hindi naman nila naintindihan ang kanyang panuto?


2. Pakikiusap

Sinasalubong ng pag-aasikaso ang dalubhasa sa wikang Ingles, basahan pa man ang kanyang suot. Kaya naman, Ingles ang ginagamit kapag mayroong utos o pakiusap. Ano mang usapan ang ilahad ng mga kapatid niya ay hindi makaabala kay Bobbie. Isang "Go ahead", o "Let's stop this", o hindi kaya'y "You know what I mean" niya lamang ang makapagtatahimik o makapagaaligaga sa kanilang lahat.


3. Panunumbat

Ginagamit din ang wikang Ingles kapag punung-puno na ang nagsasalita sa puntong gusto na niyang ipagdikdikan sa kausap kung gaano ito ka-bobo. Basta dalubhasa ang nagbitiw ng salita, tiyak na hindi pa tapos ang pangungusap ay manliliit na ang kausap. Isinisiwalat nito ang karaniwang kaisipan nating mga Pilipino na higit na mataas ang wikang Ingles kaysa wikang Filipino. Mayroon pa bang higit na nakapipikon sa "My God! I can't believe you pushed through with that stupid idea!" ni Bobbie?


4. Pagmamalaki

Higit sa lahat, ginagamit ang wikang Ingles kapag mayroong maipagmamalaki. Nagsasaad siguro ito ng kredibilidad. Kung bakit Ingles ang pakli ni Bobbie nang ipagpalagay na caregiver ang kanyang trabaho sa New York ay maipaliliwanag ng kaisipang ang wikang Ingles ay nagpapahiwatig ng mataas na pinag-aralan at magandang katayuan sa buhay. Dahil dito, agad na nakatatanggap ang dalubhasa sa wikang Ingles ng paghanga mula sa karaniwang Pilipino, na siya namang naglalagay dito sa pedestal upang tingalain.

Lubos nga sigurong makapangyarihan ang wikang Ingles, kung kaya naman posisyon din ang nais nating ipadama sa tuwing gagamitin natin ito. Nakakatakot isipin na nagiging awtomatiko ang paggamit natin ng wikang Ingles sa tuwing tayo ay nahaharap sa mga sitwasyong nabanggit. Sa pagsamba natin sa wikang banyaga, hindi natin namamalayang inilalaan na natin ito sa mga pagkakataong nais nating higitan ang kapwa. Lahat ay gustong matugunan ng opinyon, maasikaso, magtunog matalino, at magmalaki. At sino pa ba sa lipunan natin ang aabutan ng pagpapahalagang gaya nito kung hindi ang Inglesero?

Nakakikilabot isipin na hindi na natin kailangan pang maglabas ng ginto, o ipagsigawan sa mundo kung magkano ang kinikita natin buwan-buwan, o kung saang prestihiyosong paaralan tayo nakapagtapos. Sapat na ang pagbigkas sa Ingles upang mapatunayan ang lahat ng ito.